Trevenodd Logo

Mga Dapat Kainin ng May Sakit Sa Atay

LIVER HEALTH | April 29, 2026

Alamin ang mga pagkaing makatutulong sa pagpapagaling ng sakit sa atay

Kung ikaw o ang mahal mo sa buhay ay may karamdam o sakit sa atay tulad ng fatty liver disease, isa sa pangunahing pinapayo ng doktor ay ang pagkakaroon ng lifestyle changes–at inuumpisahan ito sa tamang pagkain na ihahain sa inyong mesa.

Mahirap sa umpisa dahil ang mga putok-batok na cravings kagaya ng crispy pata, lechon, at lalong-lalo na ang alak na mabenta tuwing handaan at selebrasyon ay nararapat iwasan– pakiramdam mo, kasama na rin ang kasiyahan sa mga ipinagbabawal. Pero dapat tandaan, na ang daan patungo sa malusog na atay ay hindi naman kailangang mahal o mahirap hagilapin.

Marami sa mga pagkaing mabuti para sa iyong atay ay abot-kaya at mabibili sa pinakamalapit na palengke o grocery. Narito ang ilang pagkain na maari mong idagdag sa iyong diet plan:

Isda at iba pang seafoods

Para sa may sakit sa atay, ang matatabang isda tulad ng salmon, tuna, at tanigue ay mayaman sa omega-3 fatty acids na nakatutulong sa pagbabawas ng pamamaga at pagprotekta sa atay. Bilang lean protein, maaari itong gamitin bilang substitute ng baka at baboy.

Gulay

Inirerekomenda ang pagkain ng tatlong servings ng gulay araw-araw. Ang mga gulay kagaya ng brocolli ay nakatutulong sa pagpigil ng pamumuo ng taba sa atay at pagbabawas ng timbang, na direktang kapaki-pakinabang kung may sakit ka sa atay. 

Pumili rin ng leafy vegetables o madadahong gulay tulad ng spinach na may taglay na gluthathione na mabuti sa pag-detoxify at pagprotekta ng selula ng atay mula sa pinsala. Mainam na iwasan ang mga gulay mataas sa starch tulad ng patatas. 

Kape

Ayon sa pag-aaral ng American Institute for Cancer Research (AICR), ang mga madalas na umiinom ng kape ay mas mababa ng 20% ang tsansa na magkakaroon ng chronic o fatty liver disease. Nakatutulong din ito sa pagbaba ng abnorma levels ng liver enzymes. Inirerekomenda na tatlong tasa ng kape ang inumin kada araw nang walang dagdag na creamer o asukal para mapanatili ang benepisyo nito.

Garlic o Bawang

Bukod sa pagiging pangunahing sangkap sa mga Filipino dishes, tinuturing na superfood ang bawang dahil sa mataas nitong nutritional content. Naglalaman ito ng allicin at iba pang active compounds na may anti-inflammatory at antioxidant na katangian na nakatutulong sa pagpapalakas ng kalusugan ng atay. Kung gusto mo ng mas mataas na garlic content, maaring pumili ng garlic supplements bilang alternative. 

Almonds

Ang almonds ay mayaman sa Vitamin E, isang mahalagang antioxidant na nakatutulong sa pagprotekta laban sa metabolic dysfunction-associated steatotic liver disease (MASLD) na uri ng sakit sa atay. Regular na pagkain nito ay nakatutulong din sa pagpapanatili ng malusog na antas ng taba sa dugo.

Oatmeal

Ang oatmeal ay naglalaman ng beta-glucan fiber na nakatutulong sa pagbabawas ng cholesterol, pagkontrol ng blood sugar, at pagpigil ng labis na akumulasyon ng taba sa atay. Nagbibigay din ito ng matagalang pagkabusog na tumutulong sa weight management. Maaring samahan ng almonds at iba pang prutas ang oatmeal para sa masustansya at masarap na recipe nito.

Green Tea

Ang green tea ay nakatutulong sa pagbabawas ng pag-iimbak ng taba sa atay. Ang mga natural na antioxidant nito, lalo na ang catechins, ay nagpoprotekta sa mga selula ng atay at nagpapabuti ng pangkalahatang liver function.

Paalala Bago Ibahin ang Diet

Bagama’t ang mga pagkaing nabanggit sa ay kilala sa kanilang mga benepisyo para sa kalusugan ng atay, mahalagang tandaan na ang bawat tao ay may iba-ibang kondisyon at pangangailangan. 

Ang mga ito ay maaaring isama sa inyong lifestyle changes, ngunit dapat tandaan na hindi ito ang natatanging lunas para gumaling ang inyong sakit sa atay. Bago magdagdag o mag-alis ng anumang pagkain sa iyong araw-araw na diet, laging kumonsulta muna sa iyong doktor o registered nutritionist-dietitian. Ang tamang gabay ng isang propesyonal, kasabay ng tamang pagkain, ang pinakamabisang paraan sa mas malusog na atay.

References: