Alamin ang mga simpleng lunas para sa ubo na mayroon sa inyong bahay. Narito ang 5 natural remedies na epektibo at abot-kaya.
Isa ang ubo sa pinakakaraniwang karamdamang nararanasan ng bawat isa sa atin. Bagamat mas laganap ito tuwing tag-ulan o kapag malamig ang panahon, maari itong dumating nang hindi inaasahan at tumagal nang ilang araw hanggang ilang linggo.
Nakaka-frustrate, hindi ba? Lalo na kapag nasa gitna ka ng isang mahalagang trabaho, o espesyal na okasyon — doon pa mismo darating ang walang tigil na pag-ubo na nagpapababa ng productivity at focus, at kahit ang pakikisalamuha sa mga taong nakapaligid sa iyo ay pahirapan dahil sa takot na mahawaan din sila.Ang magandang balita, may mga natural na mabisang gamot para mapabilis ang paggaling ng iyong ubo na kadalasang makikita sa inyong kusina. Ito ay mga simpleng home remedy na matagal nang ginagamit ng mga Pilipino na epektibong nakakatulong sa pagpapagaan ng ubo nang hindi na kailangang lumabas pa ng bahay.
Subukan ang 5 Accessible Natural Home Remedies
Pagmumumog o saltwater gargle

Ang pagmumumog ng maligamgam na tubig na may asin ay isa sa pinakasikat na home remedy para sa ubo. Makatutulong ang prosesong ito para mabawasan ang pamamaga at matunaw ang plema sa lalamunan at nasal passages dahil sa anti-inflammatory properties ng asin. Tunawin lamang ang asin sa maligamgam na tubig at imumumog ng 30 hanggang 60 seconds. Maari ring gumamit ng oral antiseptic bilang alternative.
Paggamit ng humidifier sa inyong bahay o kwarto

Kapag tuyo ang hangin sa paligid, nagdudulot ito ng pagpapalala ng iritasyon sa lalamunan at maaaring tumagal ang ubo. Mainam na panatilihing may tamang humidity sa loob ng inyong bahay o kwarto gamit ang humidifier para makatulong sa pagluwag at paglabnaw ng plema at mapagaan ang paghinga.
Honey

Mayroong anti-inflammatory at antimicrobial properties na nakatutulong sa paglaban ng bacteria na maaaring sanhi ng ubo. Naiibsan din nito ang inflammation at irritation sa lalamunan. Ihalo ang 1-2 kutsarang honey sa maligamgam na inumin. Mainam ding samahan ito ng lemon dahil sa taglay nitong Vitamin C upang makatulong sa mas mabilis na recovery mula sa ubo.
Salabat o ginger tea

Kagaya ng honey, mayroong likas na anti-inflammatory at antimicrobial properties ang luya na makatutulong sa paglaban ng impeksyon at pagbawas ng pamamaga ng lalamunan. Maglagay ng ginadgad na luya sa pinakuluang tubig at magdadag ng honey at kalamansi.
Panatiling hydrated ang katawan

Ang pag-inom ng sapat na tubig ay nakakatulong para mapalambot ang ang plema kaya mas madaling mailabas ito. Maari ring mag-consume ng mga pagkaing masabaw kagaya ng chicken soup o sopas na makakapagdadag sa fluids ng katawan at mabawasan ang congestion.
Iwasan ang mga inumin kagaya ng alcohol at kape na maaring magdulot ng dehydration o pagpapalala ng inyong ubo.
Mula Home Remedy Hanggang Tamang Lunas: Gabay sa Mabilis na Paggaling
Tandaan, huwag maging dependent sa home remedy lalo na kapag unti-unti nang lumala ang ubo. Sa ganitong pagkakataon, maaaring uminom ng mga over-the-counter na gamot sa ubo kagaya ng lagundi na kilala sa pagiging epektibo sa pagpapalabnaw ng plema at pagtulong sa mas mabilis na paggaling.
Gayunpaman, kung ang iyong ubo ay tumatagal na ng tatlong linggo o higit pa, sinasamahan ng mataas na lagnat, o may kasamang dugo sa plema, huwag nang mag-atubili pang humingi ng medikal na atensyon. Ang mga ito ay senyales na kailangan na ng mas malalim na pagsusuri ng isang doktor para masiguro ang iyong kalusugan.
References:
- Our Products. (2025). Strepsils.com.ph. https://www.strepsils.com.ph/health-tips/treatment-options/gamot-ubo-strepsils/
- Ano ang epektibong natural na gamot sa ubo? (2022, June 20). Hello Doctor. https://hellodoctor.com.ph/fil/kalusugan-respiratory/natural-na-gamot-sa-ubo/
- Jovinally, J. (2023, February 28). Cold and Flu Home Remedies. Healthline; Healthline Media. https://www.healthline.com/health/cold-flu/home-remedies
- Coughs: Meds or Home Remedies? (2026). Seattle Children’s Hospital. https://www.seattlechildrens.org/conditions/a-z/coughs-meds-or-home-remedies/
- Slama, T. (2022, April 12). 7 ways to combat coughs, colds. Mayo Clinic Health System. https://www.mayoclinichealthsystem.org/hometown-health/speaking-of-health/7-ways-to-combat-coughs-and-colds
- BLK-Max Super Speciality Hospital. (2025). Blkmaxhospital.com. https://www.blkmaxhospital.com/blogs/home-remedies-for-cough
- Irene, M. (2023). How to Stop Coughing Naturally: 10 Effective Methods. MEH; Mount Elizabeth Hospital. https://www.mountelizabeth.com.sg/health-plus/article/how-to-stop-coughing-naturally